Lunes, Mayo 13, 2013

ANG AKING APO

ANG AKING APO


"Mikayelah Bianca",kay gandang pangalan,
Sadyang nababagay sa yung kagandahan.
Anghel na busilak angking kalooban,
Sinugo ng langit,dulot ay kaligayahan.

Ika 21 ng Marso,iyong kapanganakan,
Una mong nabanaag liwanag ng sanlibutan.
Ang dasal sa Diyos ng una kang masilayan,
Ibigay nya sa iyo ang kasaganahan.

Nawa'y pagkalooban ka ng mahabang buhay,
Malusog na katawan,sa iyo ay ibigay.
Sa magandang asal, mamulat ng tunay,
Sa masamang gawain,sa isip ay mawalay.

Ang anghel na ito sana'y maging tulay,
Upang pagmamahalan ay maging matibay.
Sa iyong magulang,sana'y maging kaagapay,
Patungo sa maayos at payapang buhay.

Aking unang apo, kay saya kong totoo,
Pinawi mo ang lumbay na nadarama ko.
Nadamang muli, ang noon ay nadama ko,
Ng ang mahal mong ina ay isinilang ko.

Aking apo, kapag ikaw ay malaki na,
Sasamahan mo ako sa aking pagsisimba.
Aakayin mo ako, baka di ko na makita,
Tamang dadaanan dahil sa malabong mata.

Lalagyan mo ng pulbos ang mukha ni lola,
Papantayin ang lipstick na ipinahid niya.
Iyong palantikin, kanyang pilikmata,
Puti niyang buhok, kukulayan mo na.

Ituring mo apo, akong kabarkada,
Laging magkasama saan man pumunta.
Di ko ito nagawa sa mahal mong ina,
Laging nasa trabaho,gabi lang kung magkita.

Aking pupunuan, naging pagkukulang,
Ngayong ako ay may oras na upang maglibang.
Di nagawa nung araw, ngayon ay ipararamdam,
Sa inyong mahal ko,sa akin ay asahan.

"O Diyos ko,nawa ako ay bigyan,
mahaba pang buhay,ligtas sa karamdaman.
Nais ko pang makita mga anghel ng angkan,
Sa aking pagmamahal, sila ay iduduyan".

Sa iyo, Mikayelah Bianca, mahal kong apo,
Ang lola ay may bilin,halina't pakinggan mo.
Sa mga darating na mga pinsan mo,
Sana'y maging huwaran ka at kanilang idolo.

Sa mga darating pang aking magiging apo,
Magmahalan kayo,away ay itakwil nyo.
Iisang pisa kayong galing sa angkan ko,
Dugo niya at dugo mo, galing sa dugo ko.

DAKILA KA, O INA!


DAKILA KA, O INA!

Madilim pa, saan kana pupunta,
Bakit may bilao at bayong kang dala?
Magtitinda ka na,sobrang aga pa,
Mga supling mo ay natutulog pa!

Ah! katulad ng dati,iiwan mo sila,
Maghahanap-buhay ka para sa kanila.
Pambili ng pagkain,pambayad sa upa,
Pambayad sa Meralco,pati sa NAWASA.

Maghapon kang wala,ika'y kumakayod,
Pagdating ng bahay,parang di pa pagod.
Tulad mo'y isang ibon,pagdapo sa pugad,
Mga inakay mo'y lilimliman agad.

Iyong mga mata,gusto ng pumikit,
Gusto mong likod mo sa kama'y idikit.
Subalit ang bunso mo sa iyo ay humirit,
"Turuan mo akong bumasa ng alpabet".

Ang dakilang ina,di nag-atubili,
Librong nakatago, kinuhang dali-dali.
Pagbasa ng titik,itinurong sandali,
Nadaramang antok,pilit na pinawi.

Tulog na si bunso,tutulog ka na rin ba?
O kukunin mo pa ang mga labada?
Wag mong sabihing ibababad mo pa,
para bukas paggising,babanlawan mo na.

Pagod ka na,tama na yan,
Isipin mong may bukas pa naman!
Pahinga ka na,pagal ng katawan,
Maaga pang gigising,maglalako na naman!

O,INA,IKAW AY DAKILA,
Sa iyong mga anak ikaw ang nagpunla.
Kabutihang asal,pagmamahal sa kapwa,
Pagmamahal sa Diyos na syang lumikha.

Sa araw na ito,hayaang purihin,
Hayaang sambahin,at dakilain.
Kasabay nito ay isang dalangin,
Nawa'y mga ina,sila'y pag adyahin!