Lunes, Mayo 13, 2013

DAKILA KA, O INA!


DAKILA KA, O INA!

Madilim pa, saan kana pupunta,
Bakit may bilao at bayong kang dala?
Magtitinda ka na,sobrang aga pa,
Mga supling mo ay natutulog pa!

Ah! katulad ng dati,iiwan mo sila,
Maghahanap-buhay ka para sa kanila.
Pambili ng pagkain,pambayad sa upa,
Pambayad sa Meralco,pati sa NAWASA.

Maghapon kang wala,ika'y kumakayod,
Pagdating ng bahay,parang di pa pagod.
Tulad mo'y isang ibon,pagdapo sa pugad,
Mga inakay mo'y lilimliman agad.

Iyong mga mata,gusto ng pumikit,
Gusto mong likod mo sa kama'y idikit.
Subalit ang bunso mo sa iyo ay humirit,
"Turuan mo akong bumasa ng alpabet".

Ang dakilang ina,di nag-atubili,
Librong nakatago, kinuhang dali-dali.
Pagbasa ng titik,itinurong sandali,
Nadaramang antok,pilit na pinawi.

Tulog na si bunso,tutulog ka na rin ba?
O kukunin mo pa ang mga labada?
Wag mong sabihing ibababad mo pa,
para bukas paggising,babanlawan mo na.

Pagod ka na,tama na yan,
Isipin mong may bukas pa naman!
Pahinga ka na,pagal ng katawan,
Maaga pang gigising,maglalako na naman!

O,INA,IKAW AY DAKILA,
Sa iyong mga anak ikaw ang nagpunla.
Kabutihang asal,pagmamahal sa kapwa,
Pagmamahal sa Diyos na syang lumikha.

Sa araw na ito,hayaang purihin,
Hayaang sambahin,at dakilain.
Kasabay nito ay isang dalangin,
Nawa'y mga ina,sila'y pag adyahin!

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento