Martes, Marso 27, 2012

YAYAN

                " Y A Y A N "
               ni.Lilian Sarmiento Vega
Munti pa siyang bata ay nakaranas na,
Hirap ng buhay,nadamang kay aga.
Sa murang gulang,naghanap-buhay na,
Pantawid ng gutom,pantulong sa ina.

"BILI NA NG SIBUYAS,ITO'Y PAMPATIKAS,
SA INYONG KATAWAN,ITO'Y PAMPALAKAS.
BILI NA NG KAMATIS,PAMPAKINIS NG KUTIS,
SA LOOB NG KATAWAN,ITO'Y NAGLILINIS."

Ito ang sigaw ni Yayan na nasa pamilihan,
Matinis na tinig,kanilang nauulinigan.
Mga munting kamay,na sa pagod ay nakaramdam,
Sa paghawak sa bilaong puno ng laman.

Nilalakong tinda,maaga pa ay ubos na,
Kaya kanynag ngiti,abot hanggang tenga.
Pupunta sa ina na naglalako pa,
Tulad din ni Yayan,may bilaong dala.

Minsan,sa pag-uwi ni Yayan,bumuhos ang ulan,
Bumaha ang daan,lubog siya hanggang baywang.
Ang pobreng si Yayan, tsinelas ay nawalan,
Anong ipamamasok sa kinabukasan?

Malungkot na si Yayan,umiyak ng tuluyan,
Tanging sapin sa paa,di na matagpuan.
Inalo ng ina,pilit pinatahan,
"BIBILI NA LANG TAYO,PAMPALIT NATIN DIYAN."

Ayaw pang pumayag, kasi mababawasan,
Inipong kinita,pambili ng "project" yan.
Ayaw pang tumahan,kasi pinagpaguran,
Na kaunting tinubo,dagling mapaparam.

Ang mabait na ina,may kaunting tinago,
sadyang laan sa "project" ni bunso.
Kaya nawalng tsinelas,may kapalit na bago,
Ligaya ni Yayan,ay biglang bumugso.

Si Yayan ay lumaking kakambal ang hirap,
Kasa-kasama niya sa hapo't magdamag.
Laging nakasunod, lagi siyang hanap,
pati sa pagtulog,kanyang napapangarap.

Dalangin ni Yayan,siya ay hiwalayan,
Kakambal na hirap,sana siya ay iwanan.
Sa umaga siya ay nag-aral,sa hapo'y nanilbihan,
Upang makaahon sa hirap na kinasadlakan.

Kanyang pagsisikap,nagbunga ng maganda,
nakatapos ng pag-aaral,nagtrabaho kapagdaka.
Kakambal na hirap,nilayuan siya,
Konting kasaganahan,natamasa na niya.

Si Yayan ngayon ay anong ligaya,
May mga munting kamay na ding inaakay niya.
Patungo sa matuwid, buhay na maganda,
Sa patnubay ng Diyos,siya ay umaasa.

Sa panahong ito,kay dami pang "Yayan",
Ipinanganak at namulat sa kahirapan.
Mga munting anghel,sana ay ating tulungan,
Pagkat nasa kanila ang pag-asa ng bayan.

Linggo, Marso 25, 2012

‎"Dating Kanlungan,Ating Binalikan"

‎"Dating Kanlungan,Ating Binalikan"
by:Lilian Sarmiento Vega


Araw ay sumapit, aking mga kapatid,
Dumating na ang oras na kapana-panabik.
Sama-sama tayo at magkakapit-bisig,
Tayong mga anak,sa ina ay bumalik.

Sa ating Manila High,tayo ay narito,
Sa mukha ng lahat,saya'y bakas na totoo.
Sa nawalay na ina,hiling namin sa iyo,
Ipadamang muli,pag-ibig na binigay mo.

Halina't kami ay muling yakapin,
Muling ipadama,pag-ibig sa amin.
Iyong kalinga,hinahanap-hanap namin,
Nawalay na mga anak,muling arugain.

Pagpasok pa lamang sa iyong bakuran,
Ibayong ligaya,ating naramdaman.
Sa bago mong anyo,bakas pa din naman,
larawan ng lumipas,atin pang nababanaagan.

Nadamang ligaya,ngayon ay nadagdagan,
Ng mapagmasdan,punong manggang mahal.
Narito pa rin siya,waring nag-aabang,
sa muling pagbabalik,siya ay naghihintay.

Ang punong itong punung-puno ng alaala,
ating binalikan,hinaplos kapagdaka.
At sa lilim nito,kaagad nagpahinga,
alaala'y binalikan noong tayo ay bata pa.

Habang nagmumuni,dagling napatingin,
sa ikalawang palapag,naagaw ang pansin.
Sa silid-aralan,tapat ng puno natin,
ating ipinasya,ito ay tunguhin.

Sa ating silid,"203" ang bilang,
ating ginunita panahong nagdaan.
Tumayo sa harap,mga silya'y minasdan,
ating imahinasyon,gumanang lubusan.

Pilit na inalala ng ating mga kasama,
pangalan ng nakaupo sa hanay ng silya.
Pilit ginunita,kinokopyahan sa tuwina,
Makulit na kaklase,gusto ring maalala.

Pagmumuni-muni ay dagling naputol,
Umalingawngaw na ang tunog ng tambol.
Hudyat na upang lahat,doon ay pumaroon,
Makihalo't magsaya sa ating pagtitipon.

Ang buong paligid ay balot ng saya,
ang ingay ng lahat,sa atin ay musika.
Misa ay idinaos,pasasalamat sa "KANYA",
mahabang buhay,binigay sa bawat isa.

Dating mga guro,ating muling nakita,
sa entablado,tumayo at nagpakilala.
Bagamat tumanda,mga hitsura nila,
talinong taglay,nababakas pa.

Ibat-ibang grupo sa atin ay nagpakita,
mga talento sa sayaw,ganun din sa kanta.
Sa saliw ng tugtog nitong ating banda,
tayo ay nakilahok sa sayawan nila.

Kasayahang yaon ayaw ng matapos,
kalahating araw,sa atin ay kapos.
Masarap na pagkain,maganda ang ayos,
sa linamnam ng lasa,lahat ito ay ubos.

Natapos ang pagtitipon,lahat ay masaya,
ang ngiti sa labi,abot hanggang tenga.
Bago umalis,bumulong sa punong mangga,
"Babalikan ka namin,'wag kang mag-alala".

Ang punong mangga,animo ay may isip,
naghulog ng bunga hg ang hangin ay umihip.
Malalaking mangga,malutong,maasim,
pabaon sa atin ng di tayo manimdim.

Mga "ka-batchmates" ko,pangako ay tuparin,
ating balikan,paaralan natin.
Saan ka man naroon,piliting dalawin,
walang imposible kung gugustuhin.

Sa mga naroon sa ibayong dagat,
o nasa probinsya, o saan mang gubat.
Aming anyaya,bumalik ang lahat,
dalawin ang Manila High,dito ka nagbuhat.
 

Ang Punong Punung-puno ng Ala-ala


ANG PUNONG PUNUNG-PUNO NG ALA-ALA 
by:Lilian Sarmiento Vega
Ang tula kong ito ay aking iniaalay,
Sa Batch ’77 na nagtapos sa Manila High.
Layunin nito ay sariwain lang naman,
Ala-ala niang  saksi ng ating kabataan.

Sa loob ng bakuran ng ating paaralan,
Ang punong ito,doon ay mamamasdan.
Sa palibot nito’y sementadong upuan,
Ating pahingahan kapag may vacant time.

Ang punong ito’y saksi sa ligaya,
Sa lungkot at dusa nating magkakaeskwela.
Tanda ko pa,kapag exams ay malapit na,
Puno ang upuan at nagrereview na.

Pagtapos ng exams, puno ay babalikan,
At sa lilim nito doo’y maghahambingan.
Mga nakuhang grades,dulot ay inggitan,
Kasi may mataas,ang bagsak ay lamang.

Sa puno ding ito,dito naramdaman,
Pagtibok ng puso,sa kaklaseng mahal.
Ayaw mang aminin,ayaw mang ipaalam,
Sa kilos at galaw,mahahalata naman.

Tuksuhan at kantyawan ng mga kamag-aral,
Sa ilalim ng punong ito ang masasaksihan.
O,anong saya,o anong ligaya,
Balikan ang ala-ala ng tayo’y teen-ager pa.

Mahigit 3 dekada na ang nakakaraan,
Pero  punong ito, ngayon pa din ay nariyan.
Sa ulan at bagyo,sa lindol na nagdaan,
Di siya natinag,lalo pang tumatag.

Ang buhay nati’y tulad din ng puno,
Mga pagsubok,atin ding binuno.
Salamat sa Diyos,kapalarang natamo,
Tulad din ng puno,tayo ay lumago.

O mahal naming Manila High,puno’y
pag ingatan,
Huwag puputulin,bagkus ay alagaan.
Ala-ala nito,katumbas ay buhay,
Nasa puso lagi hanggang kamatayan.

Nasaan man ngayon dati kong kamag-aral,
Nandito sa Pinas,o sa ibayong dagat.
Sa tulong ng FB aking kayong makokontak,
Aking mga kamag-aral,nawa’y aking mahanap.

Halina’t puntahan natin itong ating puno,
At sa harap niya,tayo ay mangako.
Tayong mga taga Manila High ay hindi yuyuko,
Sa ano mang problema,di tayo susuko.

Sa taong darating,dalangin sa Diyos,
Mga taga Manila High,sana ay magdaos.
GRAND REUNION,atin ng iayos,
Upang magkita-kita at sumayang lubos.

Isla Verde Kong mahal

"Isla Verde kong mahal"
 by:Lilian Sarmiento Vega
Sa mga VERDENIANS, ay isang pagbati,
Magandang araw aking mga kalahi.
Sa tula kong ito, hayaang ipagbunyi,

Pagiging VERDENIANS,sa dugo'y nananatili.

Pamilyang Dimaano-Sarmiento aking pinagmulan,
Sa San Agapito,ako ay isinilang.
Sa tulong ni Ka Mameng na hilot ng bayan,
Isinilang ako sa isla kong mahal.

Sa aking kamusmusan,aking naging kaagapay,
Puno ng malunggay sa bakuran ni Ka Siyang.
Nagsilbing duyan at aking pahingahan,
Inaakyat lagi sa araw-araw.

Dahon nito't tangkay gamit na pamaypay,
Bunga naman nito,nagsilbing laruan.
Kapag nagsawa na,tatawagin si inay,
at ipaluluto ng masarap na bulanglang.

Ang maliit kong kamay,katulong ni inay,
sa gawaing bahay at sa paghahanap-buhay.
Paglala ng banig,aking natutuhan,
paggawa ng pakaskas,aking naranasan.

Sariwang isda,sa madaling araw,
bitbit na ni tatay para may pang ulam.
Kung wala namang huli,ay nangangatihan,
pagsungkit ng suso ay aking aliwan.

Aking kasiyahan,nabahiran ng lumbay,
Ng ang aking pamilya nagpasyang lumisan.
Sa lungsod ng Maynila,naghanap ng kapalaran,
at sa awa ng Diyos nakatapos ng pag aaral.

Pangarap ko ngayon,sana'y mabalikan,
Ang Isla Verdeng mahal,sanay muling masilayan.
Datapwat ako'y nag aalinlangan,
baka wala na akong kakilalang dadatnan.

At tulad ng iba,nais ko din naman,
Isla Verdeng dadatnan,bakas ang kaunlaran.
Aking mungkahi,budhi koy sinisigaw,
"Komersyalismo" ang kailangan ng isla kong mahal.
Upang kababayan ko'y di na maranasan,
Hirap ng buhay na aking iniwan.

Hikayatin natin turista't balikbayan,
pumunta sa Isla at dito'y maglibang.
Malinis na tubig,sariwang isda at gulay,
Mababait na tao kanilang daratnan.

Pag unlad ng turismoy nasa ating kamay,
sa tulong ng pamahalaan at siempre ng maykapal.
Perang ipapasok ng mga dayuhan,
dulot sa ating isla ay kasaganahan.

Kung ang inaalala ay ang pagkasira,
ng kapaligiran at ng kalikasan.
Halinat't tayo ay magbayanihan,
Linisin ang lupa at ating taniman.

Sa bughaw na dagat kung saan naroon,
pulutong ng isdang bigay sa tin ng panginoon.
Huwag nating gamitan ng pampasabog,
Upang sila'y lalong dumami at ng tayo ay laging busog.

Sa ganitong paraan,uunlad ang isla,
buhay ng kabayan ko ay magiging sagana.
Halina VERDENIANS tayo'y makibaka,
Huwag tayong matakot,bagkus magkaisa.
Isigaw sa mundo,"ANG GANDA NG ISLA".